Paano kung may kakayanan tayong mabilang ang hangganan ng buhay?
Magbabago ba ang mga pangakong binibigay ng walang pakundangan?
Ang bawat pag-alay ng sarili, ng oras at ng kabuaan
Magbabago ba kung masusukat ang layo, ang lalim at ang taas.
Mahal kita, habang buhay – parang ang dali kung tatlumpu
Kahanga-hanga kung singkwenta, mitolohiya kung nobenta
Paano kung isang-daan, dalawa o tatlo pa?
Ang araw-araw ba’y makakaya pa, o ang panata’y maiiba?
Maiisip ba na kulang ang minuto’t panahon
O hahanapin, tulad sa pagtanda, ang nakalipas at kahapon?
Di kaya ng mga salita ang umaalipustang katanungan
Ang haka-haka na ang pagmamatigas, ang pag-ibig na inialay
Ay dalahin ng pusong makatotohanan, di lamang sa mga salitang binabatay sa talinhaga
Kung hindi pagpili, paulit-ulit, sa anumang haba ng ating buhay.
Leave a comment